Sa bawat araw na dumaraan, ang bawat guro ay dumadaan sa mga sakripisyo na kadalasan ay hindi nakikita o napapansin ng iba. Ang pagiging  isang guro, lalo na  sa pampublikong paaralan, ay isang malaking gampanin lalo pa’t nakaatang sa iyo ang malaking responsibildad na mapatuto ang bawat mag-aaral na siyang huhulma sa ating kinabukasan. Nagsisimula ang kanilang araw bago pa man sumikat ang araw. Tila musika ang tunog ng alarma na gumigising sa kanya sa madaling araw, tanda ng walang patid na pagnanais na makapaghanda sa panibagong araw ng pagtuturo at pagbibigay serbisyo sa mga estudyante.

Sa kabila ng limitadong pondo at mga lumang kagamitan, patuloy na nagtuturo ang bawat nang may malasakit at dedikasyon. Sa kanyang mga mata, ang bawat bata ay may potensyal na mangarap at magtagumpay. Hindi lamang siya nagtuturo ng mga leksyon mula sa aklat kundi pati na rin ng mga aral ng buhay. Itinatanim ng bawat guro sa puso ng bawat mag-aaral ang halaga ng sipag, tiyaga, at pagmamahal sa kapwa.

Sa bawat ngiti at lakas na ibinibigay ng isang guro sa araw-araw, nararamdaman ng kanyang mga estudyante ang kanyang taos-pusong pagmamahal at malasakit. Hindi hadlang ang mga pagod na gabi sa paggawa ng mga visual aids o ang mga umaga ng walang sawang pagpapaliwanag sa mga batang nahihirapan sa mga aralin. Idagdag na rin natin ang iba pang mga responsibilidad ng bawat guro maliban sa pagtuturo, ang pagpapabasa pagkatapos ng klase o sa libreng oras, ang preparasyon tuwing may mga programa, ang pagsasanay sa mga mag-aaral tuwing may sasalihang patimpalak, mga araw na kailangang magtrabaho sa lampas na oras at kadalasang inaabot pa ng gabi sa paaralan at ang mga seminar at trainings na kailangang puntahan. Para sa kanya, bawat pagod at sakripisyo ay sulit kapag nakita niyang nagtatagumpay ang kanyang mga estudyante.

Ngunit ang buhay ng isang guro ay hindi rin biro. Madalas niyang inuuna ang pangangailangan ng kanyang mga mag-aaral kaysa sa sarili niyang kapakanan. Maraming beses siyang nagsasakripisyo at madalas tumutungo sa tahanan ng bawat mag-aaral kahit gaano pa ito kalayo upang tiyaking walang batang maiiwan. Ang kakarampot na sahod ay patuloy pang nababawasan at kadalasang nailalaan pa sa mga pangangailangan sa pagtuturo, sa silid-aralan at sa mga mag-aaral. Ang kanyang pamilya ay naging saksi sa kanyang walang sawang paglilingkod, at sa kabila ng lahat ng ito, buo pa rin ang suporta nila sa kanya.

Sa bawat araw ng pagtatapos, hindi mawawala sa bawat guro ang ma karamdam ng lungkot at saya nakikita ang kanyang mga estudyanteng umaakyat sa entablado, bitbit ang kanilang mga diploma. Ito ang pinakamatamis na gantimpala para sa isang guro – ang makitang nagtagumpay ang mga batang kanyang inaruga at tinuruan.

Ang ating iba’t-ibang kuwento ay patunay na ang isang guro ay may dakilang puso. Ang ating buhay at sakripisyo ay hindi masukat ng anumang materyal na bagay. Tayo ay tunay na mga bayani sa loob at labas ng silid-aralan, nagbibigay liwanag at pag-asa sa mga kabataang naglalakbay tungo sa kanilang mga pangarap.

ARIEL D. PUNZALAN|TEACHER I| BAGONG SILANG ELEMENTARY SCHOOL
+ posts