Edukasyon ay napakahalaga sa bawat isang tao. Ito ang nagsisilbing pundasyon ng bawat isa patungo sa tagumpay ng buhay. Edukasyon na nakukuha sa loob ng paaralan. Ngunit, paano nga ba nakakakuha ng mga aral at leksyon kung nagkakaroon ng kanselasyon ng klase dulot ng bagyo, lindol, power interruption o matinding init ng panahon?
Distance Learning, ito ang sagot upang maipagpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng mga kanselasyon ng klase sa paaralan. Iba’t iba ang klase ng Distance Learning, ilan sa mga madalas na ginagamit ng paaralan ay ang Online Distance Learning at Modular Distance Learning. Ang Online Distance Learning ay isa sa mga pinakaepektibong pamamaraan upang maipagpatuloy ang pagkuha ng kaalaman o edukasyon ng mga mag-aaral sa kabila ng kanselasyon ng klase. Gamit ang cellphone, tablet, laptop, internet o data connection ay maaari nang makinig ang mga mag-aaral habang nagtuturo ang guro. Hindi man sila pisikal na magkasama, nakikita at naririnig naman nila ang isa’t isa kung kaya’t nakapagsasalin pa rin ng kaalaman ang guro sa kanyang mga mag-aaral. Ngunit, may mga mag-aaral na walang gadget o internet connection kung kaya’t hindi sila nakakasali sa Online Classes. Dito naman pumapasok ang Modular Distance Learning. Sa ganitong set-up ng pag-aaral, ang mga mag-aaral ay binibigyan ng aklat, modules at activity sheet ng kanilang mga guro upang aralin ang leksyon na nakatakda sa araw na iyon sa sarili nilang pamamaraan. Ito ay isa ding epektibong paraan upang matuto ang mga mag-aaral sa kabila ng kanselasyon ng klase lalo’t higit kung gagabayan sila ng kanilang mga magulang sa aralin.
Iba’t iba ang pamamaraan upang matuto ang mga mag-aaral, nasa pagsisikap, tiyaga at determinasyon ng mga mag-aaral nakasalalay ang kanilang pagkatuto at pagkamit ng edukasyon sa Distance Learning.