Sa panahon ng digital na impormasyon, ang paglaganap ng pekeng balita o “fake news” ay tila isang virus na mabilis na kumakalat at sumisira sa katotohanan. Ang mga pekeng balita ay hindi lamang mga kasinungalingang ikinakalat para manlinlang kundi isang malaking banta sa karunungan at pagkakaisa ng ating lipunan.

Bawat isa ay may kani-kaniyang responsibilidad at pananagutan tungkol sa mga impormasyon na ating sasabihin lalo na sa social media. Kaisa na dito ang mga guro na malaki ang papel at impluwensya na ginagampanan hindi sa mga mag aaral kundi pati na rin sa lipunan. Tayo ang siyang nagiging gabay nila at humuhubog sa kanila upang maging isang tapat at mabuting mamamayan.

Sa karagdagan, nararapat lamang na tayo mismo sa hanay ng edukasyon ay maging mapanuri sa ating mga nababasa, huwag basta maniwala at magshare kung hindi naman galing sa lehitimo ang pinagmulan. Maraming mag-aaral ang expose at babad sa mga social media kaya’t ganoon na lamang nila kadali makita, mabasa o mapanood ang mga balita, isyu o pangyayari sa lipunan at kadalasan dito ay hindi akma sa kanilang edad at hindi berepikado ang katotohanan.  Madali din silang maniwala sa kanilang mga napapanood online at mabilis nilang nagagawa o nagagaya ang mga trending at viral na mga tiktok challenge o gawain na karamihan ay hindi magandang halimbawa.  Kaya’t ganun na lamang ang hirap ng mga guro na paalalahanan sila at ituon ang kanilang pansin sap ag-aaral at muling ibalik ang hiig ng bawat mag-aaral sa pagbabasa lalo na ng mga aklat.

Tungkulin nating lahat – mula sa mga mamamahayag, guro, estudyante, hanggang sa karaniwang mamamayan – na labanan ang pagkalat ng pekeng balita. Ang pagsusuri sa pinagmulan ng impormasyon, pag-check ng katotohanan, at pag-iwas sa pag-share ng hindi beripikadong balita ay mga simpleng hakbang na makakatulong upang masugpo ang virus ng lipunan na ito.

Sa ganitong paraan ay maari nating maimpluwensyahan ang mga inyong kapwa guro, mag aaral, magulang at iba pang nakakakita ng inyong social media na maging responsible nang sa gayon ay hindi tayo maging dahilan ng pagkalat ng fake news na siyang nagiging virus ng lipunan na unti unting kakalat sa maraming sa iba’t-ibang panig ng bansa na magdudulot ng mas malaking suliranin.

Sa pagtatapos, ang pekeng balita ay isang banta sa karunungan at kaayusan ng ating lipunan. Sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagiging mapanuri, maipagtatanggol natin ang katotohanan at mapapanatili ang integridad ng impormasyon. Ang tunay na kaalaman at pagkakaisa ay magmumula lamang sa pagyakap sa katotohanan at pagwaksi sa kasinungalingan.

Guro ang magsisilbing tulay at daan sa kung ano ang katotohanan, ang modelo ng bawat kabataan sa tamang gawi ng tao sa lipunan. Nakasalalay sa mga guro ang kaalamang moralidad upang itong ating bayan ay maprotektahan sa fake news na isang virus na maaaring makaapekto sa karunungan ng mga kabataan at unti-unting pumatay sa ating lipunan.

ARIEL D. PUNZALAN|TEACHER I| BAGONG SILANG ELEMENTARY SCHOOL
+ posts