Naakit akong sumulat ng mabasa ko ang pahayag na ito, “Mas mabuti pa ang mamatay para sa isang makahulugang bagay kaysa mabuhay ng walang kabuluhan.”

            Hindi ko alam kung paano ako naapektuhan ng mensahe nito at hinagod ang emosyon ng puso ko upang gumana ang dugo at hikayatin ang utak ko na sumulat at ipahayag ano nga ba ang pakahulugan ko dito.

            Katulad ng isang lumang makinilya, tumunog ang tiklado ng letra na sa bawat pagtipa, pumasok ang katanungang “Minsan lamang tayo daraan sa buhay na ito, paano ko ba gugugulin?”

            Kung ikaw ay isang kabataan sa kasalukuyan, anong makahulugang bagay na ba ang nagawa mo sa mundo? Diba mas mabuting simulan ito sa ating mga sarili, Paano? Paunlarin ang sarili, iangat ang antas ng pamumuhay ng pamilyang kinabibilangan natin ng sa gayon, makatulong sa pag-papaunlad sa bayan.

            Paano kung pangkaraniwang mamamayan ka at nabibilang sa pangkat ng metro aid, mangingisda, magsasaka…Paano makakaroon ng halaga ang buhay mo?

            Malaki ang papel ng mga taong ito sa larangan ng kalinisan at kaayusan, pagkakaroon ng makakain, magiging makahulugan ang kanilang buhay kung ito ay sasamahan ng isang tapat na paglilingkod.

            Ang bawat isa sa atin ay may tungkuling ginagampanan, tulad ng butil ng palay…isang uhay na kapag pinagsama-sama ay bubusog sa tiyang nagugutom at isang biyaya sa sangkatauhan. Ganoon din sa bawat – isa maliit na bagay na gawin mo subalit nagiging malaki ito kung ito ang magiging dahilan ng pagkilos ng marami.

            Isang simpleng halimbawa nito ay ang paglilikom ng sariling kalat, katulad ng balat ng kendi o sitsiriang kinakain mo, sa halip na basta na lamang itapon, mas makabubuting ito ay iuwi at sa bahay itapon ito sa wastong tapunan.

            Kadalasan, marami tayong tiwali o kamaliang nasasaksihan ngunit mas gusto natin tumahimik dahil sa takot nating madamay sa gulo, ngunit kadalasan sa ating pananahimik mas dumadami ang nang-aambuso sa “buhay”.

            Biniyayaan tayo ng karapatan at kalayaang magpasya, mas maging makabuluhan daw ang buhay kung kikilos ka para sa kabutihan ng marami.

            Isang kuwento ang maiuugnay ko sa halaga ng nilikha ng Diyos. Tuwing umaga ang ingay ng ibon ang gumigising sa akin dahil ginawa nilang bahay ang gilid ng bubong namin. Sa pagod ko sa kalilinis ng kalat nila, pinasaraduhan ko ang lugar na pinagpupugaran nila dahil doon wala ng ingay, tinatanghali na ako ng gising. Doon ko naunawaan ang halaga nila sa paggising ko.

            Bukas, lulubog muli ang araw…gigising ulit tayo, paano mo kaya gugugulin ang natitirang araw ng buhay mo?

 

Search

Go to top