Dalawang  dekada.

Mabilis ang paglipas ng panahon di ka maiinip, may mga dumating , at may lilisan.

Iba ibang ugali ang kaharap mo araw-araw, may mabait, makulit , matalino, mahina, mayaman, may kakulangan sa buhay, maarte , lahat – lahat na nakita natin sa paaralang ito.

Silang mga estudyanteng itinuring nating anak, kaibigan, minsa’y kainitan ng iyong mata dahil sa kanilang kakaibang kilos o ugali dala na rin ng panahon na kanilang kinabibilangan.

Tunay na nagkakaroon tayo ng ibang damdamin sa mga estudyanteng hawak natin ,na lubhang napalapit sa kanila at sa atin.

May mga pangyayari na di inaasahan ng mga guro at estudyante na nagkakaalitan ang kapwa guro at kapwa mag-aaral dahil sa pagkakaroon ng paboritong guro at mag-aaral.

Maaari naming dahilan na rin ay ang guro ay literal na naging tapat na adviser  sa kanyang mag-aaral, ginawa ang lahat upang makapasa at di maligaw ang landas ang mga hawak na mag-aaral.

Tayo rin.

Tayo na mga guro na nagmahal at nagmalasakit sa mga estudyante, at nadama naman ng mga mag-aaral ang damdaming ito sa loob ng 10 buwan, apat na oras sa isang lingo , 16 na oras sa isang buwan ng pagtuturo, kasama rito ang paggabay sa kanila, matuwa’t magalit sa kanilang kapilyuhan.

Tayo rin ang sumasaway o pumupuna sa kanilang mga kamalian. Tayo rin ang kokontak sa mga guro, magulang kung may problema sa paaralan.

Minsan may mga guro na nagkakaroon ng munting  problema sa kapwa guro tungkol sa kanilang mag-aaral,na minsa’y di maiiwasan.

Ngunit kung ating titingnan, aalis, iiwanan din tayo ng mga mag-aaral na ito, na ating minahal… tayo… na mga guro ang naiiwan sa ating mahal na paaralan.

Umisip ng paraan upang lalo silang mapabuti, magsanib-pwersa , nang sa gayon ay lalo silang umunlad at may laban sa daan kanilang tutunguhin sa pag-abot ng kanilang pangarap.

Magkaisa kaysa tuligsain ang bawat isa.

Oo tama, ikaw ay adviser, ginawa mo ang iyong tungkulin ngunit alalahanin na sa huli tayo pa rin ang magkasama at maghihintay ng mga bagong mag-aaral sa panibagong taong pampaaralan.

Muling magmamahal, mag-aalaga, gagabay , magtuturo ng mga bagong anak sa turing, makikinig ng bagong kuwento ng buhay.

Sana, sa huli, tayong guro ay sama-sama sa pagbuo ng bagong estratehiya paanong ang mag-aaral na ito ay ating mapatuto at maipagmalaki ang paaralan kasama ang kanilang guro na kanilang iniwan, na minsan ding minahal .

Tayo pa rin sa huli na mga guro ang magkakasama na maghihintay sa bagong pag-asa ng bayan na  minsan din nating  minahal.

Dalawang dekada na rin akong nakadama ng lungkot sa kanilang paglisan, ngunit sumasaya sa kanilang pagbalik kung nakita kong maganda ang naiguhit kong pinta .

Search

Go to top