"Sa Gitna ng Buhay at Kaalaman"

 Kabataan ang magsisilbing buhay sa susunod na henerasyon ngunit hindi sapat ang may kaalaman kung kapalit nito ay ang kanilang buhay.

Sa kinakaharap ng ating mundo ngayon, halos lahat ng bansa ay naghihirap, maging ang kilala, tanyag at nagyayamanang bansa ay apektado , maging ang ating bansa ay walang takas at sa ngayon ay nakapagtala na ito ng humigit kumulang 62,000 Covid-19 cases ngayong ika-16 ng Hulyo sa kasulukuyang taon. Ang ating gobyerno ay nahihirapang humanap ng agaran at siguradong solusyon upang masugpo itong pandemya. Dagdag pa rito ang hindi handang pagbabalik eskwela ng kabataan sa darating na Agosto ngunit ito ay taliwas sa Republic Act 7977 o Act on lengthening School Calendar na hindi nararapat lumagpas sa Agosto ang pagbubukas ng klase sa sekondarya at primaryang paaralan.

Noong nakaraang buwan ay pinal nang inihayag ng Department of Education o DepEd na sa Agosto 24 ang unang araw ng klase at hindi na Setyembre upang hindi malabag ang naturang batas. Ngunit tila hindi magiging mabisa ang planong pinagiisipan ng DepEd na magkaroon ng flexible learning o sa pamamagitan ng online class o gamitin ang telebisyon, radyo at modular at mga teknolohiya upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng bata. Ngunit nakababahala ang ganitong klaseng pag-aaral dahil panigurado ay walang pagkatuto. Kung sa loob ng paaralan ay nalilimutan na agad ang pinag-aralan ,paano pa kaya sa online class na hindi natutukan ng magulang at guro ang estudyante. Paniguradong hindi isasapuso ng estudyante o seseryosohin ang pag-aaral dahil maaaring dumako sa ibang social media sites itong mag-aaral tulad ng Facebook, Instagram, Twitter at iba pa.

Masarap sa pakiramdam na patuloy sa pag-iisip ang DepEd upang maipagpatuloy ang de-kalidad na pag-aaral ng mga kabataan ngunit mas mainam siguro kung magkaroon ng academic freeze upang matiyak ang kaligtasan na lahat. Kung tunay na isinasa-alang-alang nila ang kaligtasan ay mas mainam na sa susunod na academic year na lang mag-aral dahil baka maaaring matulad tayo sa South Korea na pinahintulutan ang pagbubukas ng eskwela kung kaya't malaking bilang ang naidagdag sa aktibong kaso ng pandemya.

Ano man ang maging dahilan ng DepEd o Ched , sana ay hindi sila maging padalos dalos sa desisyon dahil buhay ng kabataan at ng kanilang pamikya ang nakataya , idagdag pa ang naglalakihang tuition fee na hindi alam ng mga magulang kung saan kukunin dahil maging sila ay nangagsiwalaan ng trabaho.

Sa katunayan, sa ganang akin, paniguradong hindi masusunod ang safety protocols ng gobyerno na magkaroon ng social distancing kung pinapalano nilang idadagdag ang face to face learning kahit tatlong beses lamang sa isang linggo. Alam naman nating mapangahas ang mga kabataan at walang takot na gagawin ang ipinagbabawal. Sa gantong dahilan, lalong lolobo ang kaso ng Covid-19 sa Pilipinas, ngayon pa nga lang na nasa quarantine tayo ay malaking porsyento ng populasyon ng bansa ang apektado , paano pa kaya kung panay labas ng bata para sa face to face learning.

Sana ay mas piliin ng ahensya ng edukasyon ay buhay kaysa karunungan dahil mas mahalaga ang buhay ng susunod na henerasyon kaysa sa katiting na kaalaaman na maipapamahagi. Huwag nating itaya ang iisang buhay at maghugas kamay kung ito ay mapapasapanganib. Maaari nating balikan ang edukasyon ngunit kapag namatay na ang tao ay hindi na natin maibabalik.

Lagi nating iisipin na kabataan ang magsisilbing puso ng susunod na henerasyon, sila ang hahawak sa pag-asang iahon ang bansa sa milyon milyong pagkakautang


Print   Email