Sa itinadhana ng DILG inaatasan ang lahat ng Pamahalaang Lokal na mag ulat na nauukol sa ika 100 araw ng paglilingkod sa Bayan. Isang magandang araw po sa inyong lahat ikinagagalak ko pong ipahayag sa inyo, kung ano ang mga naging kaganapan sa ating bayan sa loob ng 100 araw, sa ipinagkatiwala ninyong pamumuno ko sa ating mahal na bayan ng Orion.

 

Hayaan po ninyong bigyan ko kayo ng larawan ng  kalalagayan ng ating bayan sa ngayon, na naayon sa datus ng Local Government Performance Management System (LGPMS ). Sa unang pulong na ginanap ang pagtalakay sa resulta ng LGPMS lumalabas na ang ating bayan ay bumalik sa katatayuan natin noong taong 2005 isang bagay na malaki ang aking panghihinayang, dahil sa 3 terminong ipinagkatiwala ninyo ang pamumuno sa ating bayan nagawa nating itaas ang antas ng ating bayan na mula sa 4th class municipality ay nagawa nating 2nd class sa pamamagitan ng mga programang ating pinalaganap at binigyan ng katuparan, kung naituloy lamang ang mga programa, disin sana tayo ay magiging 1st class municipality na noong 2011 at ito po ay aking siniguro sa pagtatapos ng aking termino na base na din sa mga datus na nauugnay sa LGPMS.

 

Kaya sa naturang pagpupulong agad na tayong gumawa ng mga programa para sa muling pag bangon ng ating minamahal na bayan ng Udyong.Paglilingkod na may puso sa wikang ingles Service With Hearts.

 

H for Health for all - Ibabalik natin ang mga serbisyong pangkalusugan na pinapakinabangan ng ating mga mamayan, kalidad na mga gamot na abot kaya ng ating mga kababayan, pagdaragdag ng mga kagamitan tulad ng ECG, Ultra sound machine, at makabagong kagamitan na nauukol sa kalusugan. Malugod ko din pong ipinapabatid sa inyo na muli na nating ibinalik sa serbisyo ang ating lying inn na kung saan ito ay nag seserbisyo ng 24 na oras 7 araw sa 1 Linggo na napapakinabangan ng ating mga kababayan na nagsisilang ng sanggol. Paramihin ang ating mga kababayan na naka enrol sa programa ng Philhealth para sa Masa kung saan na ang 50% ay isusubsidize  ng ating pamahalang bayan sa kadahilanang sa taong 2014 magiging 2,400 piso na ang magiging kabayaran sa naturang programa na kung saan sa kasalukuyan ay may inabot tayong pagkakautang ng kulang 900,000 piso sa Philhealth. Patuloy na pag bibigay ng mga trainings at seminars sa ating mga kawani ng kalusugan para maayos na serbisyong ipagkakaloob sa ating mga mamayan.

 

E for Education for all Edukasyon - na kung saan ay gagabay sa ating mga kabataan tungo sa kanilang magandang kinabukasan. Sisiguraduhin po natin na makapasok ang ating mga kabataan sa paaralan kabalikat ng programang Pangtawid Pamilya 4Ps. Sa ngayon nakapag pasok tayo ng  mahigit 800 mag aaral sa Justice Emelio A. Gangcaico Memorial High School at Bataan School of Fisheries. Pasasalamat sa bayan ng Limay na kung saan, tayo po ay nakipag ugnayan sa kanilang punong bayan Kgg. Ver Roque at nakapasok ng mahigit 350 mag aaral na taga Orion ng Kolehiyo sa Limay Polytechnic College. Muli nating dadalhin ang mga technical trainings sa pakikipag ugnayan sa TESDA na kung saan ibibigay natin ang mga kaalaman sa larangan ng Welding, Pipe Fitting, Rigger , Scaffolding, at iba pang kurso na makakapagbigay hanapbuhay sa ating mga kababayan.Patuloy na pag suporta sa ating mga dakilang guro ,sa trainings para sa mga bagong asignatura.

 

 

 A for Agricultural development & Environmental Sustainability - Ang ating bayan sa pangkalahatan ay nananatiling isang pamayanang pang sakahan at pang pangisdaan. Dahil dito ay tutugunan natin ang mga kinakailangan proyekto ng imprastruktura upang higit na mapakinabangan ng ating mga magsasaka at mangingisda. Naniniwala din ako na ang malinis na pamayanan ay malusog na mamamayan kaya naman bilang pagsunod sa itinatadhana ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act ay aayusin at isasagawa natin ang ating Solid Waste Management Program. Pag-iibayuhin natin sa pakikipagtulungan sa ating mga mamamayan, ang ating mga reforestation project sa mga bakawan at mga kabundukan. Paiigtingin natin ang pangangalaga sa ating mga natural na yaman ng kalikasan. Katatapos lang po nating isaayos ang ating Fish Sanctuary na kung saan ito ay nilapastangan ng mga illegal fisher sa ating bayan at malugod ko din pong ibinabalita sa inyo na naka huli na tayo ng mga gumagamit ng mga illegal na pamamaraan ng pangingisda sa ating bayan kahit na kulang ang ating mga kagamitan na sa kadahilanan na ang ating iniwang mga patrol boat at ang binili nilang bangka ay wala ng pina pakinabangan., sa kasalukuyan muling bumabalik ang sigla ng ating mga lihitimong mangingisda  sa kadahilanang maganda ang kanilang nagiging huli sa ating baybay pangisdaan Gagawin po na natin ang lahat ng kapamaraanan na naayon sa batas para mawala na ang mga lumalapastangan sa ating mga kabundukan at karagatan. Patuloy pang mag bibigay ng mga bagong kaalaman sa mga mangingisda at magsasaka kung paano mapapaunlad ang kanilang ikinabubuhay, kaparis noong nakaraang araw na kung saan ang ating mga magsasaka ay nag karoon ng lakbay aral sa lalawigan ng Nueva Ecieja (Philrice) para sa mga bagong teknolohiya at ang ating mga magdaragat ay sa lalawigan ng Quezon para tingnan ang iba pang pamamaraan sa larangan ng pangisdaan. At muli nating papasiglahin ang mga kalakalan ng ating mga upland farmers tungo sa kanilang mga hi value crops na pinag hihirapan.

 

R for Revenue Generation & Utilization - Pagkat naniniwala ako na ang ugat ng buhay ng isang local na pamahalaan ay ang matatag at maayos na kabang yaman nito,  pag-iibayuhin natin ang mga programa ukol sa koleksyon ng buwis, ito ay sisimulan natin sa pamamagitan ng updating ng ating Revenue Code. At sisiguraduhin natin na hanggang sa huling sentimo na pinag hirapang buwis ng ating mga kababayan, ay mapupunta sa kapanibangan ng ating pamayanan at iyan ay atin ng nagawa noong nakaraang termino kaya nakapag iwan tayo ng nasa 18M piso sa ating kabang yaman ngunit sa kabila nito ako ay pinaratangan na mag nanakaw sa ating kabang yaman. Sa mga nag aakusa handa ko kayong harapin saan mang hukuman para patunayan ninyo ang inyong mga paratang, at sana maging handa din kayong sagutin ang mga nangyaring pag waldas sa ating kabang bayan dahil nasa akin ng pangangalaga ang bagong findings ng mga awtorisadong COA sa ating bayan.

 

  Trade and Investment Promotion. - Upang mapataas ang kita ng bayan ay manghihikayat tayo ng mga totoong mamumuhunan na magtayo ng kanilang mga negosyo sa ating bayan, sa pamamagitan nito hindi lamang dagdag kita kundi dagdag trabaho pa. Plano din natin na mag buo ng Local Economic Enterprise (LEE) na kung saan ay mapapaloob diyan ang pamamahala ng ating proposed memorial park na talagang kailangan ng ating pamayanan. Itutuloy din natin ang proyekto na Udyong Village na kung saan ay makakapag bigay ng panibagong pag kakakitaan ng ating bayan na kung saan pinaratangan din akong ninakaw ang mga ibinayad ng mga nag pareserba ng mga lote at pilit na pinaniwala na ito ang lupang pangako na ipapamigay sa ating mga kapos palad na mamamayan. Sa inyo pong kaalaman ang nalikom na pera para sa nasabing proyekto ay siya rin pong ginagamit na pang tambak sa nasabing lugar at nangangahulugan na ito po ay self-income generating project na hindi gugugulan ng ating kabang yaman at sa kasalukuyan ay may pondo pa po ito na mahigit limangdaan  libong piso (500,000) na nakalagak sa Land Bank, sapat para maipag patuloy ang nasabing proyekto at matugunan ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaang bayan at Bataan School of Fisheries at ito po ay nasasakop na mga legal na kasulatan.Kung totoo ang inyong mga paratang bakit di naipamigay tulad ng mga pangako tuwing magkakaroon ng halalan.Sa ngayon po kasalukuyang tinatambakan ang nasabing lupang pangako na kung saan ay ipapamahagi sa ating mga kababayan sa kasamaang palad ito po ay lumiit sapagkat napatituluhan ng pribadong mamamayan na noon ay aking ipanaglalaban. Marami na din pong nakikipag ugnayan sa inyong lingkod para makapag tayo sila ng kanilang mga fabrication plant sa ating bayan na di kagaya ng dati na iniiwasan ang ating bayan. Sisisguraduhin po natin na mag babayad ng tamang buwis ang mga mamumuhunan sa ating bayan at hindi iilan lamang ang nakikinabang subalit kakarampot ang pumapasok sa ating kabang yaman. Naniniwala din po ako sa katahimikan ng bayan ay kaagapay ang kaunlaran kaya patuloy po natin ginagawa ang pag lilinis muna ng ating mga kapulisan sa loob ng 3 taon na nagdaan, nag lipana ang mga droga sa ating bayan subalit sa tulong ng ating matitinong kapulisan nagawa nating mabawasan ang mga drug pushers sa ating bayan at patuloy natin lilinisin ang mga masasamang elemento ng ating lipunan

 

 S for Straightforward public services. - Sawa na tayo sa pabandying-bandying na serbisyo publiko, sawa na tayo sa mga taong garapalan gumawa ng pera kapalit ng serbisyo na dapat lamang ay naipag lingkod nila. Kaya naman bubuksan natin  sa lalo’t madaling panahon ang ating Business One-Stop Shop (BOSS) upang higit pa nating mapaglingkuran ang ating mga mamamayan. Paglilingkod na nanggagaling sa puso ito po ang HEARTS na iaalay naming sa inyo.

 

 Nakipag ugnayan na din po ang inyong lingkod sa 4 na punong barangay na kung saan susulusyunan natin ang mga nagaganap na pagbaha sa ating bayan  mga punong barangay ng Wakas,Villa Angeles, Capunitan at Daan Pare kung saan iaayos natin ang Lukong River na sa pag aaral ,kung ito ay ating ibabalik sa dating lapad at lalim ay maiibsan ang mga baha na nangyayari sa ating bayan lalong lalo na sa mga barangay na nabanggit,  kasalukuyan pong gumagawa ng plano ang DPWH para sa nasabing pagawain at ito ay popondohan ng ating pamahalaang bayan. Nakikipag ugnayan na din po ang inyong lingkod sa mga ahensiya ng pamahalaan para maipatupad natin ang Continuing Mandamus ng Kataastasang Hukuman na kung saan ay lilinisin ang Manila bay at mga ilog na patungo dito, ang magiging kaganapan, aalisin natin ang mga naninirahan sa katubigan para malinis ang karagatan at maibsan ang pagbaha sa ating bayan. Isang ambisyosong proyekto pero bibigyan natin ng katuparan.

 

 Sa pang wakas, inaasahan ang pakikiisa ng bawat isang mamamayan, sa pamamagitan ng pakiki pag tulungan dahil sa kaibuturan ng ating mga puso alam natin na ang bawat isa sa atin, ay nangangarap na mapaunlad ang ating minamahal na bayan ng Orion tapos na po ang panahon ng pagalingan, tapos na din po ang panahon ng lokohan at kasinungalingan, sama sama po tayong muling bigyan ng dangal ang ating mahal na bayan.

 

 Bangon Udyong !!! Maraming Salamat Po.

Search

Bids and Awards

PNPnos2

Go to top