Ang paninigarilyo, anumang uri ito, ay masama sa kalusuguan lalong-lalo na sa kabataan.

            Noong mga nakaraang buwan, may mga insidenteng naganap sa loob ng Paaralan na Cataning na may kinalaman sa paninigarilyo.  Una, isang mag-aaral ang nasaktan na kung saan nalapnos ang ilang bahagi ng kanyang mukha at labi dahil sa pagsabog ng binili nitong “vape” o ”e-cigarette”.  May iba ring mga pangyayari na kung saan may mga mag-aaral na nahuhulihang may dala-dalang sigarilyo sa loob ng eskwelahan.  Simula pa noong 2008 ay mahigpit na ipagtutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Balanga ang pagbebenta at paggamit ng sigarilyo sa mga pampublikong lugar na kinabibilangan ng paaralan.  Kung gayon, bakit may mga ganito insidente na nangyayari  sa paaralan?

            Ang vape o e-cigarette ay isang battery-powered device na nag-iinit ng likido — karaniwang may sangkap na nicotine, propylene glycol at glycerin at flavorings katulad ng bubble gum at watermelon — na nagiging vapor na maaaring langhapin. Ito ay nagdadala ng nicotine, na highly addictive drug, sa iba’t ibang parte ng katawan nang hindi naglalabas ng anumang usok.   Ito ay hindi naglalaman ng tobacco at sinasabing mas magandang alternatibo kaysa sa paninigarilyo na masama sa kalusugan.

            Ayon sa mga eksperto, hindi pa nakatitiyak na kung totoong ligtas ito sa kalusugan dahil wala pang masusuing pagsasaliksik ang nagagawa ukol dito.  Kahit wala itong nilalaman na usok galing sa tobacco, ito pa rin ay naglalaman ng nicotine, isang addictive drug, at iba pang mga delikadong kemikal.  Idagdag pa dito ang mga carcinogens at toxic chemicals (tulad ng formaldehyde and acetaldehyde) na nakahalo sa usok na galing sa e-cigarettes.  Napatunayan din na ang paggamit ng e-cigarettes ay lalo lang mag-eenganyo sa mga kabataan na manigarilyo dahil sa katagalan ay hindi na nito kayang tustusan ang pangangailangan ng katawan na maaaring manggaling lamang sa paggamit ng totoong sigarilyo.

            Bilang isang Tobacco-Free Generation (TFG) City ang ating siyudad, dapat hindi lamang ipagbawal ng ating pamahalaang lungsod ang pagbenta at paggamit ng sigarilyo sa pampublikong lugar kungdi pati na rin ang mga e-cigarettes o vape.  Dapat hulihin ang mga taong nagbebenta nito na hindi man lang inaalala ang kapakanan ng mga kabataan o mag-aaral. Dapat umaksiyon ang Pamahalaang Lungsod ng Balanga kasama ang DepEd-Balanga ukol sa suliraning ito bago pa ito lumala.

            Puksain na natin ang problemang ito bago pa tayo malunod sa nakakalasong usok nito…

 

Search

Bids and Awards

Go to top