Paslit pa lang pangarap ko’y maging manggagamot
Di akalain sa isip ko’y bigla na lamang pumalibot
Humangang ewan sa mga taong puti ang suot
Bukambibig sa mga kaibigan akin itong maaabot.
Bahagyang napagbigyan hangaring inaasam
Natuwa nang lubusan pangyayari’y ninamnam
Subalit di nagpatuloy, pangarap ay lumamlam
Nalugmok, nabigo pangarap ay nabalam.
Pansamantalang humimpil at nag-isip
Sinuring mabuti upang dahilan ay malirip
Nagdaan ang panahon nagbago ang ihip
Babangon muli pangarap sa puso ay kipkip.
Nakita ang sarili sa harap ng batang uhaw sa kalinga
Sa pagkatutong hangad at ninanasa
Dalisay na layunin sa isip ay rumaragasa
Hatid ay panghabang buhay na biyaya.
Ang buhay nga naman tunay na mapaglaro
Manggagamot ang nais bumagsak sa pagkaguro
Pilitin mang maabot ang pangarap na binuo
Hindi ito bubukol kung hindi para sa iyo.
Pag-aaruga sa kabataan iyan yata ang aking misyon
Pagkatuto ng mga bata ang dapat kong ikondisyon
Hindi man natupad sa sakit na hanapan ng solusyon
Kapakanan ng kabataan ang bibigyang proteksyon .