Unang sulyap pa lang may kung anong naramdaman,
Damdaming nakababahala hindi ko maintindihan,
Sinikap kong suriin, apuhapin ang kasagutan
Pag-ibig nga ba ito o isa lamang kahangalan.
Simula pa lang alam kong di maaring mangyari,
Tibok ng dibdib mas lalo pang tumindi,
Sa ugnayang nabuo akala ay namali
Pagkakaibigan lang pala ang kayang isukli.
Inusal sa Maykapal nang paulit-ulit
Damdaming namayaning pagkakulit-kulit
Baka mapagbigyan ang hangad na pinipilit,
Umaasang sa katagalan posibleng masungkit.
Kasalanan ba ang maging baliw na siya’y mahalin,
Sa simula pa lang alam kong hindi didinggin,
Pagkakaibigan lang talaga ang kayang maangkin
Di kayang pagbigyan ang matagal ng mithiin.
Hindi man napagbigyan matagal ko ng sinusuyo
Mananahan ka dito sa kaibuturan ng aking puso
Di man ipinagkaloob ng Diyos na maging tayo,
Pakamamahalin kita hanggang sa dulo.