Napabalikwas ako ng bangon, ika-6 na ng umaga. Hinihila man ng kumot ang aking katawan, pinilit ko ng ibangon ang sarili sapagkat panibagong araw na naman ng bakbakan. Tinungo ang kusina upang maghilamos nang magsing na ang nahihimbing kong diwa. Isang maliit na tasa ang binudburan ng puting panamis at pulbos na kulay kalawang na siyang magsisilbing pampagising sa aking umaga. Ilang higop pa ng kulay itim na inumin, ang pait nito ay gumuguhit sa aking lalamunan, ngunit sa likod ng aking isipan, nawa’y hindi maging ganito kapait ang aking araw. Mabilis lang tumakbo ang oras, kaya’t nagmadali na akong ayusin ang aking sarili.
Isang pares ng lumang rubber shoes ang aking pinunasan bago ko tuluyang isuot. Napatitig na lang ako sa pudpod na swelas nito at sa sintas na naghihimulmol na sa sobrang kalumaan. Napahinga na lang ako nang malalim, “darating naman na ang akinse, subukan kong mapalitan” wika sa aking isipan. Isinukbit sa likod ang bag na siyang pinaglalagyan ng laptop at isa pang bag sa balikat na siya namang pinaglalagyan ng sandamakmak na papel at isa pang maliit na bag ang hawak ng aking kamay na naglalaman ng aking telepono, pitaka at iba pang maliliit na bagay. Tiningnan ko ang aking kabuoan sa salamin, makulay ang aking kasuotan. Kalimbahin ang kulay ng aking kamiseta, itim ang aking pantalon,kayumanggi ang aking sapatos, ang mga bag ko naman ay mga kulay na; asul, kahel at itim, at kulay lila ang aking ipit sa buhok. Napakakulay kung titignan, ngunit isang kulay lang ang paborito ko sa lahat. Ang kulay ng aking katauhan. Ipinusod na ang buhok at handa na sa bakbakan. Bago umalis, napasulyap pa sa mga resibong nakadikit sa isang sulok ng tahanan, tanda ng mga pinaglalaanan. Nagmano muna sa matandang lalaking nakaupo malapit sa pintuan, payat at halatang may iniindang karamdaman. Maya-maya pa ay nasa likod na ang isang matandang babae nag-aabot ng isang baunan ng pagkain. “Ang mga nagsisilbi kong lakas,” wika ng aking isipan.
Nakipagsiksikan na sa maraming taong nag-aabang ng masasakyan. Halos lahat ng jeep ay puno na, tanda na maraming tao na ang nagsisimula sa kanilang umaga. Ilang oras pa ay nakarating na sa gusali, lakad takbo ang ginawa upang hindi lamang mahuli. Agarang inilapag ang gamit, madaliang humarap sa salamin, naglagay ng ilang kolerete at inayos ang sarili. Hinubad ang lumang rubber shoes at sinuot ang pinakaiingatang sapatos na may kataasan ang takong. Ngumiti sa salamin at kinuha na ang mga libro sa lamesa. Bawat makasasalubong sa pasilyo ay bumabati at nagbibigay ng matamis na ngiti. Sa dulo ng pasilyo, isang maliit na silid ang tinungo. Pagbukas pa lamang ng pinto ay nakatayo na ang lahat at masiglang bumati. Pagkatapos maibigay ang magiliw na pagbati, kinuha ang yesong puting-puti at isinulat ang aralin sa pisara. Napatitig na lamang ako sa kulay ng nakasulat sa pisara, at napawika sa isip na “gaano man kakulay ang aking kasuotan, iisang kulay pa rin ang nagpapasaya ng aking puso, kulay puti, ang kulay ng yeso, ang kulay ng aking pagkatao.”