Ang edukasyon ay simbolo ng kalayaan at karapatan ng bawat tao, kalayaang tumutukoy sa pagbabago ng mga bagay sa mundo at karapatang nauugnay sa kalagayan ng pamumuhay ng bawat isa. Ngunit sa paglipas ng panahon, ano na nga ba ang mga pagbabagong naidulot ng edukasyon sa buhay ng maraming nilalang na umaasa ditto? Mayroon pa nga bang pag-asang naghihintay sa tulong ng tinatawag nating EDUKASYON?

Mula pa noong una hanggang sa kasalukuyan, unti-unti natin napapatunayan na kaugnay na ng isang umuunlad na bansa ang pagkakaroon ng wastong edukasyon ang mga mamamayan nito. Hindi maikakaila na ang pag-unlad ng isang bansa ay nakasalalay ng malaki sa talino’t kakayahan ng bawat indibidwal na bumubuo nito. Ngunit papaano na lamang kung ang mga mamamayan ng bansang ito ay kulang sa talino’t kakayahan na mabisang paraan tungo sa pag-unlad? Tulad na lamang kung titingnan ang sitwasyon ng ating bansa ngayon na may patuloy sa pagtaas ng bilang ng mga naghihikahos, walang makain, matirhan, walang trabaho at kung anu-ano pa, hindi ba’t ang puno’t dulo nito’y kakulangan ng wastong edukasyon?

Marahil ang mga ito ang naging resulta ng kabiguan ng pamahalaan sa paghahatid ng maayos na paraan ng edukasyon sa bawat henerasyon. Kung nabigyan lamang ng wastong anyo ng pagtuturo ang kahit isang henerasyon, marahil ang mga susunod na henerasyon ay magkakaroon ng mas pinalawak na sistema ng edukasyon. Sa kabila nito, ang mundo ay patuloy sa pag-inog, isang simbolo na marami pa tayong pagkakataon upang maitaas natin ang kalidad ng edukasyon.

Ang mga nanlulumo’t hangal na kaisipan na noo’y nabuwag ay maaari pang magkaroon ng kalayaan na makawala. Ang mga talino’t kakayahan na noo’y nalugmok sa kawalan ng pagkakataon ay may pag-asa na mapaunlad upang maipagpatuloy ang hangaring mamuhay sa ninanais na magandang bukas.

Marami pa tayong kayang maabot at marating dahil sa edukasyon at sa pamamagitan nito, hindi lamang ang ating mga sarili ang mabibigyan natin ng pag-unlad kundi maging ang ating bansang kinabibilangan. Kung ang bawat bansa ay bibigyang-pansin ang edukasyon, malaki ang posibilidad na matakpan nito ang kahirapang bumabalot dito.

Atin lamang pakatandaan na minsan man tayong nadapa, magagawa’t magagawa nating bumangon upang muling harapin ang tamang landas, maging bukas lamang ang isipan at magpatuloy lumaban dahil palaging may pag-asa pang naghihintay sa tulong ng edukasyon.

By: Emelita Morales | Teacher III | Pablo Roman National High School | Pilar, Bataan

Website | + posts