Sa iyong pagbangon sa umaga diba’t ang pagtambay sa kalsada ang iyong inuuna. Tangan ang kape at pandesal saksi ka sa unang istorya. Tiyak di makakalampas sa iyong mga mata ang potpot na gumigising sa mga bantilot sa kama sapagkat almusal na tinapay ang kanyang ibinibida. Sa paglipas ng mga oras habang ang kape mo’y papalamig na si Mamang Magtataho naman ang sa harap mo’y daraan ng walang kapara-paraka, matatamis na arnibal ang kinagigiliwan sa kanya at tiyak mahuhumaling ka sa kanyang paninda. Ilang oras pa habang papataas na ang araw tatambad sa iyong mga mata ang mga nagbobote-bakal na tulak tulak ang kariton niyang dala, na sisimot sa mga gamit na dapat mo ng binabasura. Habang tirik na ang init sa umaga di maiwasang hahagipin ng iyong mga mata ang mga nanlilimos na umaasa sa kararampot na iaabot mo at kiming ngiti naman ang isusukli nila.
Sa dami ng taong nasaksihan mong nagparuo’t parito sa iyong harapan naisip mo ba ang iyong kalagayan kung ikukumpara sa nga taong nagdaanan. Maraming beses na puno ng katanungan ang iyong isipan at mga panghihinayang sa mga bagay na wala ka naman subalit naisip mo ba ang kanilang pinagdaraanan, ilang paruon at parito kaya ang kailangan nilang bunuin upang nakaipon lamang ng piso na magagamit sa maghapon na pilit nilang itinatawid. Natanto ba ng iyong isipan ang kaswertihang meron ka kumpari sa buhay na tinatamasa nila kaya sa halip na magreklamo ka ba’t di bigyan pagpapahalaga ang simpleng bagay na ginto na sa iba.
By: Elvis Trinidad Malang | Teacher II | Pablo Roman National High School | Pilar, Bataan