Nasa pagkakaisa ng mga mamamayan ang pagkakaroon ng katahimikan ng isang bansa. Nagiging tahimik at maligaya ang pamumuhay ng sambayanan kung may pagkakaisa. Ang pagkakawatak-watak ng mga mamamayan bunga ng pagkakaiba ng simulain at paniniwala ay maaaring maging sagabal sa pambansang kaunlaran. Ito rin ang nagiging dahilan ng pagpapangkat-pangkat ng mga mamamayan o dili kaya’y paghahati-hati ng bansa. Mahirap sa isang bansa ang magpatuloy sa kaunlaran kung walang ganap na pagkakaisa ang mga mamamayang bumubuo nito. Patuloy na magsasalungat ang dalawa o higit pang mga pangkat. Sa halip na magkapit-bisig ang mga ito upang pagtulungang lutasin ang mga problema ng bansa, wala silang ginagawa kundi magpintasan, magpagalingan o dili kaya’y magsisihan.  Alam natin na nalalapit na naman ang eleksyon. Nasa kamay nating mga Pilipino ang ikatatagumpay  ng bawat magnais na humawak ng posisyon sa gobyerno. Bawat mamamayan ay magkakaroon ng timbang na karapatan. Ang hiling ko lang bilang isang guro, sana ay magwagi ang karapat-dapat at magampanan niya ng mabuti ang mabigat na tungkulin upang ang kanyang nasasakupan ay maging maligaya, tahimik at ligtas sa panganib.

By: REGINA F. BAGTAS | Teacher III | Daan Pare Elementary School | Orion, Bataan

Website | + posts