Maestra, kamusta kana?
Batid mo bang ikaw ay maraming napapahanga,
Sa iyong maalab na dedikasyon,
Kabataa’y tila nagkakaroon ng direksyon
Direksyon na tulay tungo sa makabuluhang ambisyon
Tiktalaok! Huni ng iyong kaibigang nanggigising tuwing umaga,
Hudyat ng panibagong araw ng pakikibaka,
“Inay, plantsado na ba ang aking uniporme?”
“Darling, may almusal na ba?”
Mga pamilyar na katanungan ng iyong mga mahal,
Ito nga pala ang realidad,
Bukod sa pagiging Maestra,
Ikaw ay ilaw at tanglaw ng pamilya.
Bitbit ang dalawang mabigat na bag sa magkabilang balikat,
Na tila naglalaman ng kagamitang sa isipa’y nagmumulat,
Tila umaga pa lamang Maestra, katawan mo’y pagod na
Ngunit talaga nga namang ika’y kahanga-hanga
Pagtuturo mo’y nananatiling kasiya-siya
Hindi alintana bigat ng trabaho’t problema
Na iyong pasan-pasan sa araw-araw na laban
Ika mo nga parati “Para sa Bata, Para sa Bayan”.
Sa sarili mong tahanan, madalas trabaho’y inuuna pa rin,
Pinagkakasya ang oras upang magampanan din ang pampamilyang gampanin,
Iba’t ibang kalupi’t papel ay handing dalhin at iuwi,
Upang maisakatuparan ang sinumpaang tungkulin,
Bawat minuto’t segundo sayo ay produktibo
Kaya’t walang duda rurok ng tagumpay iyong matatamo.
Hindi ka naman nars, hindi rin naman doctor,
Ngunit mangmang na kaisipa’y ikaw ang gumagamot
Hindi ka inhinyero, hindi rin arkitekto,
Ngunit pangarap ng kabataa’y isa ka sa bumubuo,
Ikaw ay isang GURO, hindi GURO LANG!
Magandang bukas ng kabataan,
Parati mong isinasaalang-alang,
Mag-aaral at pamilya ay handa mong ipaglaban,
Kaya muli, nais ko lamang na sayo ay ipaalala,
Ikaw ay isang MAESTRA na may pusong matapang.
Habang iniisa isa ang iyong makabuluhang nagawa,
Purong paghanga at pagmamahal, nararapat na sayo’y ipadama,
Maestra, Maam, Guro at Ikalawang Inay,
Maraming Salamat at isang mahigpit na yakap,
Sa hindi matatawarang dedikasyon at dalisay na pagmamahal,
Ikaw ay di lang dedikado, ikaw ay isa ring talentado!
Muli, salamat Maestrang Talentado!