Hindi natin maikukubli ang katotohanang ang ating mundo ay nagpapatuloy sa pagiging moderno. Kabi-kabilang imbensyon ang mayroon tayo ngayon. Mga gamit sa komunikasyon, transportasyon, produksyon, o maging sa edukasyon ay ilan lang sa pag-unlad na tinatamasa natin ngayon.
Tunay ngang malaki ang kontribusyon ng modernong mundo sa ating pagkatuto. Binago nito ang paraan ng pagtuklas ng kaalaman sa ating mga tao. Pinadali, pinalawak at pinaunlad ang paraan ng pagkatuto. Subalit lagi nga lang bang mabuti ang epekto nito sa tao?
Noong unang panahon ay payak lamang ang paraan sa pagtuklas ng kaalaman. Nariyan ang mga aklat na tinuturing na sandigan ng iba’t-ibang nais nating malaman. Subalit dahil sa walang tigil na pagbabago sa mundo, sa walang tigil na pag-iimbento ng kung anu-ano ay nakaapekto na rin sa kalidad ng edukasyon na mayroon tayo.
Noon, halos hindi magkamayaw ang mga mag-aaral sa pagpunta sa mga silid aklatan upang may madagdag sa kanilang kaalaman o di kaya ay upang matutunan ang dapat nilang malaman. Subalit ngayon ay bibihirain na lamang ang mga mag-aaral na pumupunta riot dahil kalimitan sa kanila ay sa kompyuter na ang takbo. Aanhin mo pa nga naming maghanap ng matagal sa silid aklatan, gayong sa ilang pindot lamang ay makukuha mo na ang ninanais na kaalaman.
Nariyan din ang mga mag-aaral na sa halip na pumasok sa paaralan ay mas pinipili ang kakaibang paraan ng pagkuha ng kaalaman at ito ay pag-aaral sa harap ng kompyuter sa tulong ng internet. Hindi rin magpapahuli ang iba’t-ibang kursong naglalabasan na ay kinalaman sa mga bagong tuklas na kagamitan.
Tunay ngang kahanga-hanga ang tao dahil sa walang pagod na pagtuklas ng mga kagamitan at kaalaman upang mapadali ang pamumuhay. Subalit sa kabila ng mga mabuting naidudulot nito ay huwag nating kalimutan ang hindi magandang epekto nito. Walang masama sa pagiging modern, lalo na’t kung ginagamit ito sa kapakanan ng lahat ng nilalang sa ibabaw ng mundo.
Wala ring masama kung ginagamit natin ito sa mga paaralan subalit huwag nating kalimutan ang limitasyon ng bawat bagay at lagi nating tandaan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang mga makabagong bagay ay upang mapaunlad ang ating pamumuhay at hindi upang maging tamad tayo habang buhay.
By: Ms. Myra M. Enriquez | Teacher III | Samal South Elementary School, Samal, Bataan