Nagsimula ang lahat sa pagsusuyuan

Dalawang pusong nagsumpaan

Pinag-isang dibdib sa harap ng tanan

Nangako sa isa’t isa na magmamahalan.

Dito nagsimula  wagas na pagpaplano

Saksi ang Maykapal sa mithiing totoo

Dalangin na supling ang siyang bubuo

Sa pamilyang masayang magsasalo.

Dumating ang pagsubok,adhika’y nagupo

Humantong sa kabiguan nadurog ang puso.

Tumamlay nang bahagya isip ay naging tuliro

Tanong nang paulit-ulit sa  sarili, bakit nagkaganito?

Pinilit na bumangon at patuloy na nangarap

Nagbakasakali, isip ay nagbago sa isang iglap

Sumubok muli sa pangarap na naging mailap

Hawak kamay na hinarap sa tulong ng Diyos na mapaglingap

Bitbit namin ang pangako ng Maykapal

Sa kanya ipagkatiwala patuloy  naming dasal

Sa puso at isipan aming ikinintal

Suliraning kakaharapin gaano man ito kasukal.

Pananalig sa Diyos patuloy na iaalay

Napakabuti ng Diyos tunay na mapagbigay

Tutuparin ang pangako sa makabuluhang bagay

Lakipan lang ng pananalig at matutong maghintay

Pinagpapasalamat biyayang nakamit

Nakumpleto ang pamilyang hinirit

Minsan ay sadyang naging mapait

Sobra ang ginahawang balik na napakalupit.

Dakila ka o Diyos , ikaw ang tunay naming pamilya

Nabuo kami dahil sa iyong presensiya

Ikaw ang tunay na pagpapala

Kung wala ka sa  aming tabi, wala kaming magagawa.

Manolito Senting Calapano | Teacher II | Olongapo City National High School
+ posts