“Kaayusan at kapayapaan sa bawat paaralan”
Kung aking aalalahanin, di ko na yata matandaan kung ano-ano ang mga napabalitang isyu na maaari o di maaaring natugunan ng bawat paaralan dito sa lalawigan ng Bataan patungkol sa karapatang nalabag sa peace and order. Alam nating lahat na sinisikap itaguyod ng edukasyon sa pamamagitan ng bawat aralin ang paggalang sa kapwa, pagpaparaya at kritikal na pag-iisip na kinakailangan para sa pagkakasundo.
Hindi lamang mga mag-aaral ang nais linangin ng edukasyon patungo sa mithiin na maging mabubuting tao gayundin kasama na rin dito ang mga kawani ng paaralan.
Kapag nabigo ang mga pagsisikap sa pagpapalaganap ng kaayusan at kapayapaan sa bawat paaralan, mabibigo rin ang mahalagang gampaning papel nito sa pagsasaayos at pagtatayo sa bawat pamayanan na bumubuo sa isang matiwasay na lipunan ng siyang sandigan ng isang matatag na bansa.
Ang mga tagubilin at ang akmang kurikulum ay higit na positibong nakaimpluwensiya sa pag-iwas sa mga di maiiwasang individual/group conflict/s at post individual/group conflict. Isama pa rin dito ang napakahalagang gampanin ng School Guidance Office para sa kanilang Guidance Counselling sa mga batang dumaraan sa masalimuot na pampamilyang suliranin, may mga self inflicted issues at tinaguriang “students at risk”.
Ang mga pangmatagalang plano ng punongguro kasama ang kooperasyon ng mga LGUs at mga magulang, bilang pangunahing stakeholders ng bawat paaralan sa pagsusulong ng mga karapatang pantao, Sibika at Edukasyong Multikultural ay mabisang sandata para maiwasan ang mga karahasan sa hinaharap na panahon.
Sa bandang huli ng aking maikling pagmumuni-muni, pinagtibay ng aking isipan na ang “SUSI” upang makamit at mapanatili ang katiwasayan at kaayusan sa paaralan ay “ang tuloy-tuloy at malawakang edukasyon sa “peace and order” hindi lamang ang mga polisiya na nais ipatupad ng paaralan”.