Mahirap tanggapin, ngunit isang tunay na katotothanan,na ang mga tao sa isang bansang hindi nagkakaunawaan, lalo pa’t ang salita ang nasasangkot ay nahaharap sa isang pagdarahop at kakulangan upang umunlad.
Maitatanong natin-Ano ba ang wika? Bakit mukhang napakahalaga nito? Bakit kailangang may wikang sarili? Napakaraming bakit na sa wari ay tila wala nang kasagutan.
Mahihinuhang ang bawat tao ay may sariling wika.Ang wikang ito ang ginagamit niya sa pakikipamuhay sa kanyang mga kalahi.Sa pamamagitan ng kanyang wika ay naipahahayag niya ang kanyang adhikain, kaisipan, damdamin, saloobin, pangarap, imahinasyon at pagpapasya.
Samakatuwid,masasabing ang wika ang pinakakaluluwa ng isang bansa.Dito masasalamin ang mga tradisyon,kaugalian,kilos,gawi at kabihasnan ng isang lahi.Ito ay isang mabisang paraan ng pakikipag-ugnayan, pakikitungo, pakikisalamuha sa kapwa nilalang, sa kapaligirang kanyang ginagalawan at kinabibilangan.
Nakatataba ng puso na ang sariling wika natin ay ginagamit ng mga dayuhan sa pakikipagtalastasan sa atin.
Kayo, bilang mga Pilipino, hinahamon ko kayo! Ano ang maitutulong ninyo sa ikauunlad at pagpapalaganap ng ating wikang pambansa?
Bilang pangwakas,nawa ay tumimo sa ating mga puso at isipan ang kahalagahan at kagandahan ng ating wikang pambansa na kahit saan tayo makarating, ang ating pagka-Pilipino ang ating isipin at ipagmalaki.
By: Ms. Shirley M. Reyes | Teacher I | Abucay North Elementary School