Bilang mga mamamayang nabibilang sa papaunlad na bansa ay marami sa atin ang naniniwalang ang edukasyon ay siya pa ring susi sa tagumpay. Kaya’t ganoon na lamang ang pagpupursiging mga magulang na mabigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak.
Ang edukasyon ay hindi lamang susi sa tagumpay kundi sa marami pang bagay. Ang kaalamang natututunan natin sa paaralan ang nagbubukas at nagmumulat sa ating kaisipan tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating kapaligiran at nagbibigay sa atin ng pagkatuto. Edukasyon din ang nagdadala sa atin sa mga lugar kung saan tayo nararapat na magbanat ng buto. Edukasyon din ang magbubukas ng daan upang ating malaman ang ating mga karapatan at ang kaakibat na mga pananagutan.
Tunay ngang napakalaking papel ang ginagampanan ng edukasyon sa buhay ng tao. Subalit ang kaalaman sa pagbasa at pagsulat ay hindi sapat upang maituring na edukado ang isang tao kaya’t nararapat na de kalidad ang edukasyon na natatanggap ng mga Pilipino. Ngunit saan nga ba nagbubuhat ang de kalidad na pagkatuto?
Itinatakda ng House Bill No. 1875 o mas kilala bilang “ An Act to strengthen Teacher Education in the Philippines by establishing Lead Teacher Teaching Institutions, appropriating funds therefore and other purposes”, isang batas na naglalayong mapaigting ang edukasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga guro ng mga pagsasanay na makakatulong upang mapaunlad ang kaalaman na kanilang ibabahagi sa paaralan.
Hindi biro ang hinaharap na krisis ng ating bansa. Walang nakaaalam kung ang pag-unlad ay kailan ba matatamasa. Maaaring hindi sapat ang pagiging edukadong tao. Subalit sa krisis na hinaharap ng buong mundo, iba pa rin kung ikaw ay isang titulado.
By: Ms. Myra M. Enriquez | Teacher III | Samal South Elementary School, Samal, Bataan