Lubos ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa edukasyon. Pumasok ka sa kanilang tahanan at sasalubong sa iyo ang mga nakasabit na diploma at medalya. Laging pangaral ng mga magulang sa kanilang mga anak na tanging edukasyon lamang ang susi sa tagumpay. Kung nais mong kumawala sa kahirapan, bilin ni nanay at tatay, magsunog ka ng kilay. Kung nais mong magtagumpay sa buhay, laging paalala ni nanay at tatay, mag-aral nang mabuti.
Sa mga nakaraang taon, mababakas sa resulta ng mga lokal at internasyunal na survey ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa PIlipinas. Sa samu’t saring pagsusulit na isinagawa ng mga internasyunal na organisasyon at institusyon, batid ang pagbaba ng kaalaman ng mga Pinoy na mag-aaral sa science, mathematics at maging sa wikang Ingles. Matatandaang itinuturing na opisyal na wika ng PIlipinas ang wikang Ingles.
Upang mapigilan ang papabilis na pagbulusok ng kalidad ng edukasyon ng bansa, kasalukuyang ipinapatupad ng DepEd ang programang K12. Sa programang ito, magsisimula ang pormal na pag-aaral ng Pinoy sa kindergarten,habang ang dating anim na taong elementarya ay daragdagan ng isang taon at ang apat na taong high school ay madaragdagan din ng isa pang taon. Kasama din sa programang ito ang pagpapakilala sa mga mag-aaral na PInoy ng mga vocational skillsna maaari nilang magamit kung sakaling sila’y di na makakapag tuloy sa kolehiyo. Layunin ng programang ito na bigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy na mag-aaral na magkaroon ng mas malaking pagkakataon na makahanap ng trabaho kahit pa sila’y di nakatuntong sa kolehiyo. Batid ng gobyerno na maraming Pilipinong magulang ang walang kakayahang magpaaral sa kolehiyo. Kasama din sa programang ito ang unti-unting pagbawas sa pondong inilalaan ng gobyerno sa mga Universidad at Kolehiyo. Ito ay parang tulungan ang mga Universidad at Kolehiyo na makatayo sa kanilang mga sariling paa.
Ngunit handa nga ba ang mga Pilipino sa nasabing pagbabago sa sistema ng edukasyon? Kung maraming batang Pilipino ang hindi na makayari ng anim na taon sa mababang paaralan at apat na taon sa mataas na paaralan, paano pa kaya bubunuin ang dalawa pang karagdagang taon? Sinasabing libre ang basic education sa bansa. Walang tuition fee sa mga pampublikong mababa at mataas na paaralan. Ngunit sapat ba ito upang masabi na libre ang basic education sa bansa. Paano ang gastos sa pamasahe patungo sa paaralan? Paano ang pangaraw-araw na baon? Paano ang damit at gamit sa paaralan? Kung pagninilayan, kung madaragdagan pa ng dalawa pang taon ang pag-aaral, hindi ba mas madaragdagan pa ang magiging pangkalahatang gastos upang matapos ang basic education? Hindi kaya ang magiging resulta ay mas bababa pa ang bilang ng mga mag-aaral na nakayari man lamang ng mataas na edukasyon?
Bukod pa rito, handa nga ba ang gobyerno sa nasabing sistema ng edukasyon? May pondo ba at iba pang resources upang epektibong maipatupad ang nasabing programa? Sa kasalukuyan, mayroon pa ring mga paaralan na kulang sa silid aralan, sa mga palikuran, sa maayos na upuan, mga libro at iba pang pangunahing pasilidad. Sa kasalukuyan, may mga paaralan pa ring kulang sa guro. Kung sa dating umiiral na sistema ay may kakulangan na sa mga pangunahing resources upang mahusay na maisagawa ang mga programang pang-edukasyon, papaano pa kaya kung magdaragdag pa dalawang taon ang basic education. Ang pagdami ng taong nilalagi ng mag-aaral sa paaralan ay nangangahulugan ng pagdami ng mga mag-aaral na sabay-sabay na mamamalagi sa paaralan sa loob ng isang pampaaralang taon. Ito’y nangangahulugan din ng karagdagang pangangailangan sa pasilidad at guro. Upang mahusay na maipatupad ang nasabing programa, dapat munang mabigyan ng solusyon ng gobyerno ang kasalatan sa mga pangunahing pasilidad at mga resources na kinakailangan upang mahusay na maipatupad ang mga programang pang-edukasyon.
Tunay na may kasalatan sa kalidad ng edukasyon sa bansa, ngunit sagot nga ba ang pagdaragdag ng taon ng basic education upang mapataas ang antas ng edukasyon sa bansa? Marahil ay masusi ang isinagawang pagsasaliksik ng DepEd bago ipinatupad at inilatag ang programang K12 sa bansa. Ngunit ang mas mahalagang tanong ay handa na nga ba ang mga magulang at maging ang mga mag-aaral sa nasabing reporma sa sistema ng edukasyon? Hindi sapat na napatunayan sa pagsasaliksik na epektibo ang isang programa, dapat ding pahalagahan ang kahandaan ng magpapatupad at magsasagawa ng programa. Gaano mang katibay ang theoretikal na pundasyon ng isang programa, kung hindi naman sapat ang kahandaan ng magpapatupad at magsasagawa ng nasabing programa, ang nasabing programa ay hindi rin magiging epektibo at mawawalan lamang din ng halaga.
Handa na nga ba ang mga Pilipino sa K12?
By: Mrs. Antonia De Vega | Master Teacher I | Parang Elementary School Parang, Bagac, Bataan