Bumibilis ang pagtakbo ng oras. Bawat segundo ay mahalaga at may kaukulang halaga sa ating buhay. Ang bansang Pilipinas gayundin ang mundong ating ginagalawan ay sumasabay naman sa mabilis na pag-inog nito. Bawat minuto ay may namamatay, mayroon din namang isinisilang at nabubuhay. Ito ang nagiging sanhi ng paglobo ng populasyon at mabilis na pagkonsumo sa mga likas na yaman ng ating bansa.
Sino ang mag-aakalang ang Pilipinas, bagama’t isang maliit na bansa at tila tuldok lang sa mapa, ay isa sa pinaka-populated na bansa sa Asya. Kilala kasi ang mga Pilipino bilang mga taong may malakas na bigkis ng pamilya. Kaya naman kahit gaano kahirap ang buhay at kakumplikado ang mga bagay, hindi ito pinapansin ng mga Pilipino. Hindi pa din lubos na kinikilala ang Family Planning Program na nagiging dahilan para sa mabilis na lumobo ang ating populasyon. Dahilan nito, hindi na natutustusan ng gobyreno ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan. Maraming problema na rin ang hindi nasosolusyonan.
Nariyan ang kakulangan sa trabaho, paglobo ng bilang ng mga squatters at labis-labis na pagkonsumo ng ating likas na yaman. Masyado na ring nagagambala ang balanse ng ating ekosistema kaya nagdudulot ng maraming problema. Ang mabilis na pagtaas ng populasyon ay isa sa mga nangangailangan ng agarang solusyon upang mabigyan din ng lunas ang mga pangunahng problema ng ating bansa.
Maraming programa ang isinusulong ng ating pamahalaan upang makontrol ang pagdami ng mga tao. Nariyan ang Family Planning Program, at isa sa pinakakilala rin ang Reproductive Health Bill o RH Bill. Ang RH Bill ay ang paggamit ng mga contraceptives upang mapigilan ang di inaasahang pagbubuntis. Kung maisusulong ito, maiintindihan ng mga Pilipino ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman sa pagpapamilya. Na kung ito’y kanilang sasang-ayunan ay may malaking tulong at pagbabagong ibibigay sa pagliit ng populasyon.
Kung maliit lamang ang populasyon, walang squatters, walang kakulangan sa trabaho, walang demolisyon ng mga bahay, walang mga batang palaboy-laboy sa kalsada at matutustusan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino.
Ang Pilipinas ay isa lamang sa maliit na bansa sa Asya. Tayo ay pinamumunuan ng isang president at aminin na nating hindi kayang panghawakan ng iisang tao lamang ang napakaraming tao. Ang pagkontrol ng populasyon ay mahalaga sa isang lipunan. Marami itong kaugnay, maraming aspeto na dapat nating malaman at unawain. Huwag sanang dumating ang panahon na sobrang dami na ng mga tao ditto sa ating bansa na magiging sanhi upang bumagsak ang ekonomiya ng ating bansa.
By: Mrs. Diana R. Magat | Mariveles National High School Poblacion | Mariveles, Bataan