Sa isang aklat na aking nabasa kamakailan lamang, nakatawag ng pansin sa akin ang nakasulat doon. Ganito ang nilalaman, “ You were shaped for serving God”. Sa may ilalim nito ay nakatala ang mga salitang, “You were put on earth to make a contribution! God designed you to make a difference”.
Doon sa librong, “The Purpose Driven Life” ni Rick Warren, ito ang tinutukoy niyang pang apat na layunin ng ating buhay. Ang tawag daw dito ay “ministry” or “service”. Lahat tayo ay nilikha, , niligtas ,tinawag at inatasan upang maglingkod sa ating kapwa. Sa paanong paraan? Hayaan ninyong ilahad ko ang ilang kaisipan tungkol dito.
Una, tayo’y nilikha para maglingkod sa Diyos. Sa aklat ng Efeso 2:10 sa banal na kasulatan, ganito ang sinasabi, ”Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una”. Ang mabubuting gawa na tinutukoy sa talatang ito ay tinuturing na paglilingkod. Kapag daw tayo ay gumagawa ng mabuti sa ating kapwa sa anumang paraan, ito’y isa ng paglilingkod sa Diyos.
Ikalawa, Iniligtas tayo ng Diyos upang tayo’y makapaglingkod. “You are not saved by service, but you are saved for service”. Sa kaharian ng Diyos, tayo’y may kanya-kanyang lugar, layunin at tungkuling gagampanan. Ito ang mas nagbibigay ng kahulugan sa ating mga buhay. Hindi tayo dapat maglingkod ng napipilitan lamang. Lagi nating alalahanin na binigay Niya ang buhay Niya sa atin para tayo maligtas, kaya dapat tayong maglingkod ng may kagalakan at pasasalamat.
Ikatlo, tayo ay tinawag para maglingkod. Anumang oras na gamitin natin ang talentong ibinigay ng Panginoon sa atin para sa paglilingkod ay nangangahulugan ito ng pagtugon sa layunin ng Kanyang pagkatawag sa atin. Ang ating paglilingkod ay lubhang kailangan sa kaharian ng Diyos. Gaano man kalaki o kaliit ang ating ginagawa ay hindi mahalaga. Sa Diyos, ang lahat ng paglilingkod ay nakalulugod!
Ikaapat, tayo ay inatasan na maglingkod sa Diyos. Para sa mga anak ng Diyos, ang paglilingkod ay hindi optional. Ito ang pinaka sentro ng ating buhay Kristiyano. Samakatuwid, hindi ito dapat na isinisingit lamang sa ating mga schedule sa halip, ito ay dapat na maging prioridad sa ating buhay. Anuman ang paraan ng pagmimisyon na ating ginagawa ngayon sa ating pang araw araw na buhay whether sa ating trabaho, sa bahay, sa bukid, sa paaralan o maging saan man, ang higit na mahalaga ay yung naitataas natin ang Panginoon sa ating mga ginagawa. Nais ng Diyos na gamitin tayo para magkaroon ng pagbabago sa mundong ito. Hindi Niya tinitingnan kung gaano kahaba pa ang itatagal ng buhay mo, ang nais Niyang malaman ay kung gaano ang kaya mong ialay sa paglilingkod sa Kanya.
Ano nga ba ang humahadlang sa atin para tanggapin ang hamon ng paglilingkod sa Diyos? Ang ating career, sport, hobby, studies o kayamanan? Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at di magtatagal. Tanging sa paglilingkod lamang magkakaroon ng tunay na kahulugan ang ating buhay.
Lagi nating tandaaan, “God will use you if you stop making excuses” Maligayang paglilingkod sa ating Panginoon!
By: Ms. Jacqueline G. Canlas | Pablo Roman National High School | Panilao Pilar, Bataan