“Ang init, init, init nga naman talaga ng panahon!” Ang karaniwang ekspresyong lumalabas sa bibig ng bawat isa ngayong mga nagdaang araw sabay sambit ng dahilang SUMMER lang daw kasi kaya ganoon ang sikat ng araw ngunit kung ganoon, ang tanong ko, bakit matapos ang matinding sikat ng araw ay matinding ragasa ng ulan? Matapos ang ulan ay ang nagkalat na mga puno, putik at mga patay na tao? At higit sa lahat, sino ang dapat sisihin? Ang dapat managot sa mga pangyayaring ito?
Ngayong araw sa aking pagsilip sa bintana, nakita ko ang isang kakilala, si Tao, si Tao, na dapat nangangalaga sa mga puno at halaman sa paligid niya’y siya pa ang nangunguna sa pagsira ng mga ito. At sa oras naman na maranasan Niya ang hagupit ng kalikasang siya ang may gawa ay hahanap ng iba upang sisihin o di kaya ay doon lamang magsisisi kung kalian nasaktan na sila o sila’y namatay na. KAPAG MAY NANGYARI NA. . . .Kapag may naganap na. . . Doon lamang ang pagkilos niya. . . .Bakit ba kasi kailangan pa nating hintayin na magkasunog bago maghanda ng tubig?
Sa mga pangyayaring nagaganap sa buhay ng bawat isa sa atin na tayo rin ang may gawa, kalian ba tayo kikilos? Hindi na natin dapat ito’y itanong pagkat NGAYON pa lamang ay dapat alam mo na ang sagot, hindi na natin dapat alamin kung sino ang dapat magsisimula dahil BAWAT ISA ay responsibilidad na gawin ito, at higit sa lahat hindi ikaw, hindi ako, kundi TAYO ang dapat magsimula nito. Ang pagbabagong ito. Ang pangangalagang ito. At bago pa maubusan ng tinta ang munti kong panulat ay iiwan ko sa inyo ang katotohanang ang kalikasan ay parang tao, nasasaktan at nangangailangan ng pagkalinga kung kaya’t “ Huwag mong gawin sa KANYA ang mga bagay na ayaw niyang gawin sa IYO!”
By: Mrs. Diana R. Magat | Mariveles National High School Poblacion | Mariveles, Bataan