Nasubukan ninyo na bang magpasalamat sa inyong mga magulang ? Kung hindi pa marahil ay dapat na nating umpisahan. Dahil mula pagkasilang sa atin tayo ay kanilang inalagaan, pinalaki, inaruga at binigyan ng magandang kinabukasan. Ang mga magulang natin ay ating naging gabay sa pakikibaka sa buhay, naging tagapagtanggol sa lahat ng ating mga kaaway, sila rin ang dahilan kung bakit tayo ay nagkaroon ng maginhawang buhay sapagkat ayaw nilang maranasan natin ang hirap na kanilang pinagdaanan.

    

            Nasubukan mo na bang salatin ang palad ni nanay at tatay ? Bakit hindi mo subukan upang iyong malaman na sila ay nagsisikap sa buhay para sa kanilang mga anak na mahal , tulad ng ibang magulang na  kapakanan ng mga anak ang lagi nilang isinasaalang alang. Hirap ay kakayanin, gutom ay titiisin , gagawing araw ang gabi at gagawing gabi ang araw upang may maitustos sa mga pangangailangan ng mga anak na nagsisipag- aral. Ngunit lahat ba ng mga pinag-aaral ay tutuong nag- aaral? Napakasakit sa magulang na malaman na ang kanilang tinutustusan at pinagsisikapan sa buhay ay binabale-wala  lang ang kanilang pinaghirapan. Napakasakit para sa magulang na ang kanilang anak na pinag-aaral ay sa loob lamang ng computer shop ginugugol ang oras at panahon na dapat sana ay nasa loob sila ng paaralan. Napakasakit para sa kanila na sagot sagutin natin sila ng pabalang na halos wala na tayong respeto at paggalang. Ngunit kahit gawin pa natin sa kanila ang kahit anumang bagay na makakasakit sa kanilang damdamin, bukas palad pa rin sila sa kanilang mga anak at kailanman ay hndi tayo tatalikuran, katulad ng ating Panginoong Dyos na handang magpatawad sa kanyang mga anak.

            Nasubukan mo na bang humingi ng tawad sa iyong mga magulang? Sa lahat ng mga sakripisyo at pagtitiis na hindi mo pinahalagahan, bagkus ay itinuring mo pa silang kontrabida sa iyong buhay dahil lang ang gusto nila ay mapanuto ang iyong buhay . Sa mga masasamang bagay na nagawa mo sa kanila na hindi lingid sa iyong kaalaman ay parang binibiyak ang kanilang mga puso dahil sa labis na sakit na kanilang naramdaman.

          Hindi pa huli ang lahat mga minamahal na mga anak.. umpisahan natin silang pasalamatan dahil utang natin sa kanila ang ating mga buhay, utang natin sa kanila kung bakit tayo ay nakapag-aral at nagkaroon ng magandang kinabukasan. Salat man sila sa kayamanan tayo ay iginapang nila upang hindi tayo maging mangmang, upang tayo ay magkaroon ng magagandang bagay na hindi nila natikman nung panahong tayo ay kanilang pinag-aaral. Hindi sila humihingi ng anumang kapalit sa lahat ng kanilang ginawa sa kanilang mga anak , pero bilang anak na marunong magmahal sa magulang tayo dapat ang magkusa na iparamdam din sa kanila ang ating pagmamahal, respeto at pagmamalasakit at isang pagpupunyagi sa mga magulang at WALANG HANGGANG PASASALAMAT HABANG KAMI AY NABUBUHAY! 

         

 

Search

Go to top