001 SCIRE

ASAN SI INAY?

Iyak dito, iyak doon. Hikbi dito, hikbi doon. Sa unang araw ng klase, ‘di ko akalain na ganito ang sinaryong bubungad sa akin. “Asan si Inay?” tanong ng ilan sa aking mga mag-aaral sa Kindergarten. Mata ng ibang nakakarinig ay nakatutok sa akin at sa batang aking inaalo upang pumasok sa aking silid-aralan. “Asan si Inay?” muling tanong ng aking mag-aaral na may nangingilid na luha sa mga mata na nagbabadyang umiyak na muli.

Ako’y masaya sa muling pagbabalik ng face-to-face na klase ngayong taon. Muli kong masisilayan ang mga magagandang ngiti ng aking mag-aaral na handang pumasok sa paaralan na may nagniningning na mga matang nagpapakita ng pagkauhaw sa bagong kaalaman. Ngunit iba ang bumungad sa akin. Narito ang mga batang ayaw magpaiwan sa kanilang mga magulang, mga batang iyak at hikbi ang aking narinig sa unang pagpasok lamang.

Aking niyakap ang batang aking tangan tangan. Aking pinaramdam ang pagmamahal ng isang makalingang ina at mahinahong binulong sa kanya, “Andoon si Nanay mo. Nakatanaw sa’yo mula sa malayo. Tinitignan kung kakayanin mo na bang mag-isang pumasok sa silid-aralan.” Dahan-dahan niyang pinunasan ang luhang nagbabadya at pinalitan ng isang matamis na ngiti. Kumaway siya sa kanyang inay na waring sinasabing, “kakayanin ko pong mag-isa”.

          Doon ko naisip, marahil dulot ng pandemya kaya nahihirapang mawalay ang mga bata sa kanilang mga magulang. Marahil ay naninibago sila sa panibagong paligid na kanilang nakikita kaya nararapat lang na iparamdam natin bilang guro na tayo ang kanilang pangalawang magulang at ang paaralan ang kanilang pangalawang tahanan.